courtesy of google |
Si Diane ay isang estudyante mula sa IV-Science na siyang presidenteng Student Council ng paaralang Dizon High. Siya ay isa ring matalino at masipag na estudyante sa kanilang seksyon at nabibilang sa mga honors. Siya ay palaging abala sa mga gawain sa paaralan at aktibo sa mga extra curricular activities kagaya ng mga laban sa iba’t ibang larangan.
Ginabi na si Diane sa kanyang pag-uwi dahil sa bumili siya ng mga gagamitin para sa kanyang proyekto. Pagdating niya sa kanilang bahay ay eksaktong kumakain na ang kanyang kapatid. Sinabayan niya ito at saka gumawa ng kanyang takdang-aralin. Dahil sa sobrang pagod, habang siya ay nag-aaral ay bigla na lamang ito nakatulog sa kanyang lamesa.
Napakaliwanag ng paligid. Nakatayo si Diane sa isang tabi. Mayroong isang tao sa malayo…..isang lalaki. Hindi niya ito mamukhaan kaya naman tinawag niya ito. Ngunit ang lalaki sa kanyang panaginip ay bigla na lamang naglalaho. Bago pa mangyari iyon ay nakita niya ang mukha nito. Pamilyar ang kanyang mukha…..parang nakita na niya ito minsan sa kung saan man. Hinabol niya ang lalaki hanggang sa ito ay mawala na sa kanyang paningin. Lumingon lingon siya sa paligid. Naaninag na naman niya ang lalaki at bigla uli itong nawala. Paglingon niya sa likod ay nakaharap ang lalaki sa kanya at bigla na lamang siya niyakap. Doon na lamang lalong nagtaka si Diane. Umiyak ang lalaki kaya naman hinayaan lamang niya ito dahil alam niyang iyon lamang ang kanyang maitutulong sa kaawa-awang nilalang. Mga ilang sandali ay nagising na si Diane. Tiningnan niya ang orasan at ito ay umaga na pala. Nagmadali itong bumaba sa kanyang kwarto at bilis-bilis itong naghanda upang pumasok.
Pagdating niya sa paaralan ay tinapos niya ang kanyang takdang-aralin na hindi natapos. Pasalamat siya noon dahil wala ang guro nila sa unang subject na research. Sa mga oras ng klase nito ay naiisip pa rin niya ang kanyang panaginip…..ang lalaki sa panaginip. Nagtataka talaga ito kung bakit siya niyakap nito habang umiiyak. Naisip nalang niya na maaaring may problema ito ngunit paano niya matutulungan ang taong iyon kung hindi naman niya ito kilala. Gumising nalang bigla ang kanyang diwa nang marinig niya ang tunog ng bell. Ang kanyang lalong ipinagtataka ay paulit-ulit na niya itong napapanaginipan ng hindi man lang niya napapansin sa una.
Nang umaga ding iyon ay pinaubaya naman ni Jhon kay Mulo ang kanyang trabaho sa silid-aklatan dahil sa siya ay may gagawing importante. Sa kanyang pag-alis ay ang siya namang pasok ni Diane sa nasabing lugar upang mag-aral para sa kanyang Science Investigatory Project ngayong kanyang bakanteng oras. Habang siya ay naghahanap ng librong magagamit ay hindi niya sinasadyang matapon ang isang lalagyan ng tinta sa tabi ng lumang bookshelf. Wala na siyang ibang naisip na paraan kundi ang pumunta sa stock room at kumuha ng basahan upang linisin ang duming kanyang nagawa.
Nang siya ay pumasok na sa kwartong iyon, nag-umpisa na siyang hanapin ang basahan. Nakita niya ito sa tabi ng isang malaking kabinet na puno ng mga sapot. Mga ilang segundo ang nakalipas ay biglang may tila tumunog sa loob ng kabinet na ito. Sa pagtataka ni Diane ay nagdesisyon siyang buksan ito. Sa pagbukas niya ng pinto ng kabinet ay nakita niya ang isang pababang hagdan at siya ay pumasok upang tingnan ito. Napakadilim sa loob..… kaya naman ginamit niya ang kanyang cell phone para makita niya ang kanyang dinadaanan. Nagpatuloy siya sa paglakad….. hanggang sa makita niya ang ilaw sa dulo ng kanyang pupuntahan. Tinakbo niya iyon. Nang siya ay makalabas ay nagulat siya sa kanyang nakita.
Nakita niya ang lalaki sa kanyang panaginip. Kahit nakatalikod lamang ito ay nakilala niya ito agad. Ilang sandali ay humarap ang lalaki sa kanya.
“Sino ka? Paano ka nakapunta sa lugar na ito?” sabi ng lalaki.
Natakot si Diane sa una palang. Ngunit naalala na naman niya ang kanyang panaginip. Naisip niya ang pangyayari na baka nangangailangan ng tulong ang lalaking iyon.
”Pasensya ka na kung napapunta ako rito. Hindi ko naman sinasadya. Ang totoo niyan ay aksidente lamang akong napapunta rito dahil kumuha ako ng basahan. Nag-aaral ka ba rito?” tanong ni Diane.
Nagulat si Jhon nang ngumiti ito sa kanya. Kamukha niya ang babaeng minahal niya ng tatlong taon. Parehong-pareho ang ngiti nito sa kanya kaya naman hindi niya napigilang mabanggit ang pangalan ng iniibig. Natulala ito sa kanya.
“Ha? Okay ka lang? tinatanong ko lang naman kung dito ka sa Dizon napasok, kung sinu-sino naman binabanggit mo…lasing ka no? kailangan kitang i-report sa opis.” Sabi ni Diane sa kausap.
“Pasensya ka na miss, may naalala lang ako. Dito nga ako napasok, 4th year.” Tugon naman ni Jhon. “Maaari ka ng lumabas dito dahil sikretong lugar ito at hindi nga pala ako lasing. Ngayon bago ka umalis dito, nais ko lang ipakiusap na huwag mong sabihin sa iba ang nakita mo. Maliwanag ba?” dagdag nito.
“Aba teka, ako na nga itong humihingi ng dispensa kung bakit ako nakarating dito ng di sinasadya tapos paaalisin mo lang ako. Ang daya mo naman! Gusto ko lang namang makipagkaibigan sa maayos na paraan dahil nakikita kong mabait ka.” Sabi ni Diane.
“Pasensya na rin kung ayaw ko makipagkaibigan sayo kaya umalis ka na.” galit na sabi ni Jhon
“Bahala ka na nga, tingnan lang natin kung makakapunta ka pa rito sa lugar mo kung sasabihin ko ito sa Prin―”
“Teka lang, ano ba dapat kong gawin para tulungan mo akong ilihim ito?” tanong ni Jhon.
Nag-isip ito ng kanyang ikokondisyon sa kausap hanggang sa wala siyang masabi na dapat gawin ng lalaki. Ilang minuto ang nakalipas bago magsalita si Diane. “Hmm…siguro sapat na sa akin na hahayaan mo akong makipagkaibigan sayo at maki-share dito sa hide out mo, ano payag ka?”
Matagal rin bago sumagot si Jhon sa kausap. At sa huli ay pumayag din ito. Tutal ay matagal-tagal na ring wala siyang nakakasalamuha at nakakasama sa lugar na iyon. Matapos pumayag ni Jhon ay nagpakilala ang dalaga sa kanya bago ito umalis.
Pag-alis ni Diane ay agad na pumasok sa isip ni Jhon ang mukha niya. Kamukhang-kamukha niya si Dianna, ang babaing una at huling nagpatibok ng puso ng binata. Ang ngiti nito, ang tindig, pati na ang paraan ng pananalita ay katulad na katulad sa kanya. Napaluha si Jhon nang maalala niya ang pag-alis nito dahil sa desisyon ng magulang na tumira ito sa ibang bansa. Naalala din nito ang masasayang araw na magkasama pa sila. Simula ng kanyang pag-aaral sa hayskul, ang lugar kung saan sila unang nagkakilala at nagkita―ang Dizon High. At ang kanilang paboritong lugar sa loob ng library na iyon, ang madalas puntahan ng dalawa kapag sila ay may mga bakanteng oras. Ang lahat ng iyon ay pumasok sa isip ni Jhon habang patuloy na lumuluhang nakaupo lamang sa isang tabi. Naalala din niyang 3 taon na sana sila ngayon kung hindi lang siya iniwan nito.
Sa kabilang banda, naisip din ni Diane ang mukha ang lalaki. Siya nga ang taong nasa panaginip niya. Sinadya niyang makipagkaibigan dito upang malaman ang hiwaga ng panaginip niya at ang koneksyon ni Jhon sa kanya.
Nang gabing iyon ay nakahiga lamang si Diane sa kanyang kama at patuloy pa rin ang pag-iisip tungkol sa pangyayaring iyon. Sumasakit na ang kanyang ulo dahil sa dami ng tanong sa kanyang isipan na hindi mawari ang mga tamang sagot tulad ng hindi niya malaman ang dahilan kung paano nagkaroon ng isang tagong lugar sa kanilang library. Kahit na siya ang pinakakilala sa eskwelahan dahil siya ang kauna-unahang presidente ng student council na galing sa science curriculum section ay hindi niya talaga alam ang tungkol sa bagay na ito. Akala niya ay alam na niya ang lahat, akala niya na alam na niya ang bawat kilos ng mga estudyante sa kanilang paaralan dahil sa tagal ng panahong dito siya nag-aral ng 4 na taon. Nagtaka rin siya kung bakit ngayon lang niya nakilala si Jhon samantalang ka-batch niya ang lalaking ito. Malamang ay dahil ito sa pagkatahimik niya at pagkamisteryoso. Sa dami ng kanyang pagmumuni-muni ay nakatulog na lamang ito at muli na namang napanaginipan ang lalaki.
Paggising ni Diane ay naghanda na ito upang pumasok. Walang ibang tao sa kanilang bahay kundi ang kanyang kapatid lamang na kakatapos lamang ng kolehiyo at ngayon ay nagtatrabaho na. Nang makarating siya sa paaralan ay nakasalubong niya si Jhon. Ngumiti siya at bumati sa binata ngunit hindi siya pinansin nito. Binalewala ito ng dalaga sa halip ay dumeretso agad ito sa kanilang silid-aralan. Kahit pala ito ay medyo suplado ay may itsura naman ito sabi ng kanyang kaklase nang tanungin niya ang tungkol kay Jhon.
Nagdesisiyong pumunta muli si Diane sa library hindi upang mag-aral kundi puntahan ang hide out ni Jhon. Nakita niya ito sa loob na nag-aayos ng mga libro na nagamit ng mga estudyante. Didiretso na sana ito sa kanyang pupuntahan nang lumapit agad si Jhon sa kanya. Nabigla na lamang si Diane sa ginawa ng binata. Wala itong imik na sumunod kay Diane papasok ng kabinet.
Naalala na naman ni Jhon si Dianna nang marinig niya ang boses ni Diane na nagsasabi ng kumusta. Si Diane ang nauuna sa paglakad nila at nang pumasok ito ay hindi na napigilan ng binata na yakapin siya ng napakahigpit. Nagtaka ang dalaga kaya nagpumiglas ito ngunit sa higpit ay hindi niya matinag si Jhon. Habang siya ay nagpupumiglas ay pumasok na lang sa isip niya ang panaginip na paulit-ulit na nangyayari. Wala na siyang nagawa kaya niyakap na lamang din niya ang lalaki. Ilang sandali ay umiyak ang lalaki katulad ng sa panaginip ni Diane.
Matapos ang pag-iyak ay nangahas magtanong na lamang si Diane kung bakit ganoon na lamang ang kanyang nararamdaman sa tuwing makikita ito ng binata. Hindi ito umimik sa umpisa, hanggang sa nagsabi na rin ito ng totoo. Sinabi niya ang tungkol sa kanilang dalawa ni Dianna, at sinabi rin niya ang dahilan kung bakit naging magaan ang loob ni Jhon sa kanya dahil sa magkamukha sila ng kanyang dating minahal. Naantig ang damdamin ni Diane nang marinig ito mula sa kanya. Naisip niyang wala rin siyang magagawang tulong sa binata dahil hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin. Tinitigan ni Jhon ng matagal si Diane…napakatagal na nagpapula ng kanyang mga pisngi. Simula noon ay nag-umpisa ng tumibok ang puso ng dalaga sa lalaking nasa panaginip niya.
No comments:
Post a Comment